mga hikbi at buntong-hininga...
Malungkot ako. At dahil malungkot ako, magtatagalog ako (nyek, konek?)
Lagi akong may hinihintay. Wala akong natatandaang sandali sa buhay ko na hindi ako naghihintay. Ang buhay ko ay parang isang walang paknit na lubid ng pag-aantabay. Siguro, nararamdaman ko na hindi sapat ang mga pagkakataong dumadaan sa buhay ko, kaya pag may dumadating, lagi kong hinihintay ang kasunod. Lagi akong nag-aabang.
Malimit naman mabigo ang madalas kong paghihintay. Hindi magtatagal ang may bagong darating. Akala ko tapos na ang paghihintay ko. Akala ko masaya na ako. Pero makalipas ang isang milyon at isang segundo, parang heto na naman ako, sumasayaw sa saliw ng isang lumang tugtugin. Parang may kulang. Parang hindi na naman tama. Oo na, tao nga lang ako, hindi marunong makuntento. Pero hindi. Hindi sa pagsasawalang bahala kung ano ang nariyan. Parang may kulang. Parang hindi na naman tama.
Hindi maglalaon at babalikan ko na naman ang nakasanayan. Minsan hahanap hanapin ng katawan ko ang kinagawian. Oo nga't kaakit akit ang matamis na pagkakataong nakahain sa harapan ko, pero mayroong higit na hinahanap hanap ang panlasa ko. Di lalaon at narito na naman ako, naghihintay.
Minsan, naisip ko, nakakapagod na maghintay. Masaklap ang paghihintay. Paano kung wala ng darating? Paano kung wala ka ng hihintayin? Minsan, naipagpilitan ko sa sarili ko na hindi na ako maghihintay. Pero napag-isip isip ko na para naman akong isang ipokrito, ipagpapangalandakan sa buong mundo na ayoko na, ngunit ang gunita ko'y gising, nagmamatyag, nag-aabang.
At sa huli, heto pa rin ako, naghihintay. Naghinhintay sa kung ano man ang darating. Pinananabikan kung ano man ang kahahantungan ng walang patid kong paghihintay. Oo, nga't parang walang katapusan, parang walang hangganan. Pero sa dulo ng lahat, isa lang ang tanging pagtitiyak, mananatili akong mag-aabang, maghihintay...
0 Hugs:
Post a Comment
<< Home